Ang ayaw lumingon sa pinanggalingan, siguro’y may stiff neck.
Sa pagsapit ng ikapitong anibersaryo ng People Power 2, pinili ni Gloria Macapagal-Arroyo at ng kanyang mga alipores na kalimutan na lamang ang pangyayaring itong nagluklok sa kanya sa kapangyarihan. Ibang-iba ang mga pahayag ng Palasyo ngayon sa mga sinabi ni Gloria noon sa kanyang 2001 inaugural address:
“As we break from the past in our quest for a new Philippines, the unity, the Filipino’s sense of history, and his unshakable faith in the Almighty that prevailed in Edsa ’86 and Edsa 2001 will continue to guide and inspire us,” wika noon ni Arroyo.
“I am certain that Filipinos of unborn generations will look back with pride to Edsa 2001, just as we look back with pride to Mactan, the Katipunan and other revolts, Bataan and Corregidor, Edsa ’86 and Edsa 2001,” sabi pa niya.
Napakalaki ng pagbabago sa loob ng pitong taon. Ang ipinagmamalaking sense of history, burado na. Nasaan ang sense of history kung nais na ibasura ang isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan?
Sabi noon ni Gloria, ang pamumuno ay isasalig niya sa apat na “core beliefs”:
“We must be bold in our national ambitions, so that our challenge must be that within this decade, we will win the fight against poverty,” ang unang sinabi ni Arroyo.
Pagkalipas ng ilang taon, mismong ang National Statistics Office ng gobyerno ang nagsasabing lumawak ang pagitan ng mayayaman at mahihirap. Nalihis yata ang direksyon ng pamumuno ni Arroyo. Ibang bagay kaya ang pinagkaabalahan kaya nagkaganito?
“We must improve moral standards in government and society, in order to provide a strong foundation for good governance,” aniya.
Pero noong 2004, nag-“Hello Garci” si Gloria.
“We must change the character of our politics, in order to create fertile ground for true reforms. Our politics of personality and patronage must give way to a new politics of party programs and process of dialogue with the people.”
Ngunit paano lilikha ng matabang lupa upang umusbong ang bagong pulitika at para sa pagbabago kung ang dapat sana’y abonong ipinamahagi ni Jocjoc Bolante ay napunta sa bulsa at kampanya ni Gloria at ng kanyang mga kaalyado? Nasaan ang bagong pulitika at party programs kung si Gloria mismo ay umiigpaw-igpaw lamang sa Lakas-CMD, Kampi at Lakas Pala (o LP-Atienza Wing)?
“Finally, I believe in leadership be example. We should promote solid traits such as work ethic and a dignified lifestyle, matching action to rhetoric, performing rather than grandstanding.”
Ganito ang leadership by example para kay Gloria: noong 2002, sinabi niyang hindi na siya tatakbo sa pagkapangulo — at ginamit pa niya ang pangalan ni Dr. Jose Rizal. Ngunit binali niya ang pangakong ito, at sa kanyang pagtakbo ay kinasapakat pa niya si Virgilio Garcillano para “pataasin” siya sa eleksyong 2004. Ani Garcillano kay Gloria: “Kasi doon naman sa Basilan at Lanao Sur, itong ginawa nilang pagpataas sa inyo, hindi naman ho kwan, maayos naman ang paggawa eh.” Sabi nga ni Conrad de Quiros, ang “pagpataas” na ginawa nina Garci ay hindi naman siguro pagpapatangkad kay Gloria, di ba?
“Ang paglimot sa EDSA 2 ay parang paglimot na rin sa Hello Garci,” sabi nga ng Tinig.com sa pinakahuling editoryal nito. “Gustong palalain ni Gloria Macapagal-Arroyo at ng kanyang mga tauhan ang pambansang pagkamalilimutin. Ito kaya’y para malimutan na rin ang kanilang pagtataksil sa mga simulain ng EDSA 2…” sabi rin ng editoryal.
Ayon naman sa editoryal ng Philippine Daily Inquirer: “The refusal has been couched in the usual language of reconciliation, but in truth the Arroyo administration has betrayed the ideals that brought it to power. It prefers that the people forget.”
Ito marahil ang tunay na dahilan, at hindi ang stiff neck dahil sa kaiiling sa mga panawagang siya’y magbitiw na, ang tunay na dahilan kaya’t ayaw ni Gloria na lumingon sa kanyang pinanggalingan.
(Pinoy Gazette)