Si Leni Robredo ang iboboto ko sa pagkapangulo. Si Leni ay makatao, tapat, at may plano para sa ating bansa. Mayroon siyang kakayahan at karanasan para magampanan ang mahalagang tungkuling ito.

Makatao

Nang maging abogado, naglingkod si Leni sa Public Attorney’s Office, ang ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng serbisyong legal sa mahihirap. Sa Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal, ipinagpatuloy niya ang paglilingkod sa mga nasa laylayan ng lipunan. Kasama ang asawang si Jesse Robredo, tinulungan din ni Leni ang mga magsasaka ng Sumilao sa kanilang pakikibaka para sa sariling lupa.

Dahil sa kaniyang pagpapahalaga sa buhay, marubdob na tinutulan at tinuligsa ni Leni ang extrajudicial killings na kaakibat ng giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tinanggap din ni Leni ang pagtatalaga sa kaniya bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs sa kabila ng maraming duda. “Kung meron akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan,” sabi noon ni Leni.

Tapat

Sa panahon ni Leni, tatlong magkakasunod na taong binigyan ng Commission on Audit ng pinakamataas na audit rating ang Office of the Vice President. Pagpapakita ito ng malinis na pamamahala, na dadalhin ni Leni sa pagpapatakbo ng pamahalaan bilang pangulo. Regular din siyang nagsa-submit ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth, at wala siyang anumang kaso ng katiwalian o hindi pagbabayad ng buwis.

May Plano

Ang “Sa gobyernong tapat, angat-buhay lahat” ni Leni ay hindi hungkag na slogan gaya ng pagsasabi lang ng “unity.” Katumbas nito ang malawak na plano para sa pagbabalik ng tiwala sa pamahalaan, muling pagpapabuti sa ekonomiya, at pagtitiyak ng kabuhayan, kalusugan, trabaho, at edukasyon ng bawat Pilipino.

Nagtapos ng Economics sa UP Diliman at isang abogada, naging guro, congresswoman, at pangalawang pangulo si Leni — mga karanasang magagamit niya sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga plano sa bansa.

Napatunayan ng kaniyang mga nagawa — lalo na ng Angat Buhay project na nakatulong na sa mahigit kalahating milyong pamilya at ng mga proyekto niya sa kasagsagan ng COVID-19 — ang mapagkalingang pamumuno ni Leni. Hindi rin maitatanggi ang tiwala kay Leni ng pribadong sektor. Ang mga mamamayan, nagagawa niyang mapagbuklod sa tunay na pagkakaisa, na ipinakita ng kaniyang kampanya.

Si Leni ang karapat-dapat na maging susunod na pangulo ng Pilipinas, katuwang si Kiko Pangilinan bilang pangalawang pangulo.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center